Ni Ines B. Tagacay

PINAIIGTING NGAYON ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya nito kontra sa “kotong cops.” Ito’y sa pamamagitan ng isang memorandum na ipinadala ng bagong talagang PNP regional director na si P/Supt. Luisito Tinio Palmera na may petsang ika-13 ng Oktubre, 2007 sa PNP Provincial Command.

     Ang kampanya ay batay sa kautusan mula sa ulat na natatanggap ng PNP Headquarters ng Philippine National Police galing sa ilang mga concerned citizen. Sa panayam kay P/Supt. Reynaldo Jagmis, deputy PNP Provincial Director at tagapagsalita ng PNP Provincial Command, ang kampanya ay isinasagawa sa buong bansa ng pulisya.

     Base sa ulat, may ilang miyembro umano ng pulisya ang nasasangkot ngayon sa pangongotong, maging pera man o bagay, lalo na habang ang mga ito ay nagsasagawa ng mga checkpoint kapalit ng hindi maabalang paglalakbay ng ilang motorista.

     May ilang miyembro din umano ng PNP ang nasasangkot sa iligal na pangingisda kung kaya’t pinag-uutos naman sa lahat ng hepe ng pulisya sa buong lalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng tanggapan ng PNP Provincial Command na magsagawa ng operasyon kontra kotong cops upang malaman kung ito ay totoong nangyayari sa lungsod at lalawigan.

    Sa lalawigan ng Palawan, ayon kay Col. Jagmis, wala pa umano silang natatanggap na mayroon sa kanilang hanay ang sangkot sa mga ito. Aniya ay malaki ang kaparusahan kapag napatunayan na mayroong mga pulis na mismo ay lumalabag sa batas.