“BRIGHT CHILD: Sa Tamang Pag-aaruga, Kinabukasan ay Maginhawa” ito ang tema sa pagdiriwang ng Universal Children’s Month na isasagawa mula Oktubre 21-30 ,2008. Binibigyang diin dito ang pagsasagawa ng mga gawain sa pagdiriwang at pagkilala sa mga bata bilang pinakamahalagang kayamanan ng bansa.

Layunin din ng tema na mabigyang pagkilala sa papel na ginagampanan ng mapakalingang pamilya sa pagkakaroon ng kapakipakinabang na mga bata para sa kabuuang kaunlaran ng bansa.

Bilang pagbubukas ng nasabing pagdiriwang sa Puerto Princesa , Isang sabay-sabay na misa bilang pasasalamat ang iaalay ng bawat barangay sa Oktubre 19.

Tampok naman ang lahat ng mga mag-aaral at mga guro sa mga day care centers sa urban barangays mula sa Katedral patungong Liwasang Mendoza sa ganap na ika-8 ng umaga sa ika-21Oktubre.

Susundan ito ng programa sa People’s Amphitheater na ang panauhing pandangal ay si Mayor Edward S. Hagedorn. Magpapakitang gilas din ang mga kabataan ng kanilang galing at kakayahan sa mga katutubong sayaw . Parlor games naman ang pagkakaabalahan sa bandang hapon.

Sa ikalawang araw ng pagdiriwang ng selebrasyon, may medical mission na inilalaan sa mga bata sa pakikipag-ugnayan ng City Health Office. Habang magkakaroon ng Draw and Tell Contest at Chorus Competition sa bandang hapon.

Mula Oktubre 23 hanggang 31, magtutungo naman ang mga tagapagpatupad ng programa sa mga rural barangays upang makiisa rin sa kanilang pagdiriwang ng Universal Children’s Month.

Ang Day Care Program ay isa sa mga pangunahing programa ng pamunuan ni Mayor Hagedorn na tumatalima sa paglinang ng kakayahan ng mga bata bilang paghahanda sa kanilang pagpasok sa paaralang pormal. (PR-CIO)