Ni Celeste Anna R. Formoso

pepito-1Si Jose Pepito C. Alvarez habang kinakapanayam ng Palawan Times sa isang hotel. Ito ang unang pagkakataon marahil sa Palawan na siya ay makapanayam ng matagal ng isang mamamahayag.

UNA KONG narinig ang pangalan na Jose Pepito C. Alvarez noong nag-uumpisa pa lamang ako sa aking propesyon bilang isang manunulat noong 1991 – panahon kung saan ang mga mambabatas ng bansa ay naghahanda na para sa pag-apruba ng Strategic Environmental Plan (SEP) for Palawan, o ang SEP.

Tanyag ang kanyang pangalan ngunit ni hindi man lang ako nagkaroon ng pagkakataon na makilala siya ng personal ni madinig o mapanood man lamang na magsalita . Kilalang mayaman, siya ang nagmamay-ari noon ng pinaka-malaking kompanya ng logging, ang Pagdanan Timber Products na may concession sa bayan ng San Vicente.

Pinag-uusapan siya dahil sa kanyang dalawang logging concession na iginawad ng pamahalaan sa ilalim ng dating pangulong Ferdinand Marcos noong 1980. Ang mabigat na tanong noon ay kung papayag ba siyang isuko ang kanyang karapatan sa kanyang logging concession na saklaw ng Timber License Agreement (TLA) upang bigyang daan ang total commercial log ban at mapanatili ang kagubatan ng Palawan bilang “Last Frontier.” Ayon sa librong isinulat ni Vice-Governor David A. Ponce De Leon na siyang may akda ng SEP Law (Chapter 5), isinuko ni Jose Pepito ang kanyang TLA para bigyang daan ang pagpasa ng nasabing batas na lumikha sa PCSD at ngayon ay siyang nagpapatupad nito.

img_0747

Si Pepito (una sa kaliwa), kasama si Mayor Edward S. Hagedorn ng Puerto Princesa at si first lady Ellen M. Hagedorn noong New Year Countdown sa Baywalk. Ang larawang ito ay lumikha ng maraming katanungan.

Kung paniniwalaan ang mga una ng naisulat sa kanya, ang kanyang logging concessions ay sumasakop umano sa 61 porsyento ng productive forest ng lalawigan ng Palawan. Bawat taon ay 19,000 ektarya ng gubat diumano ang mga tino-troso at ang mga ito ay ipinadadala ng kanyang kompanya sa mga bansang Japan, Taiwan at South Korea. Dahil dito, tinaya na siya ay kumikita kada taon ng US$24 milyon. Ito daw ay katumbas ng tatlong bahagi ng kabuoang kita noon ng probinsya na mayroong 500,000 residente at 24 beses ng taunang budget nito na US$1 milyon.

Lubhang negatibo ang lahat ng narinig ko kaya aaminin ko, sa kabataan ko noon, masama rin talaga ang impresyon ko sa kanya. Maingat akong mag-sulat ng kahit ano tungkol sa Pagdanan at sa kanya dahil may narinig ako na sinampahan niya ng kasong libel ang isang manunulat. Ang libelo na kilala ko ay unang naganap sa akin sa kolehiyo at siyempre, ayoko namang masundan iyon kahit pa sabihin na “feather in our cap” iyon bilang manunulat ng balita.

Sa dami ng narinig ko sa kanya, mahirap paniwalaan pero hindi ko pa talaga nakikita kahit anino man lamang ni Jose Pepito o Don Pepito. Lahat din ng impresyon na meron ako, nasa likod lang ng aking isipan dahil sa wala namang pagkakataon na makaharap ko siya. Para akong batang takot na takot sa kwento tungkol sa multo pero di pa ako nakakakita ng multo. Totoo nga bang kasing sama siya ng unang pagkakarinig ko sa kanyang pangalan?

“Aloof, standoffish, indifferent” – sa madaling salita, hindi madaling makita siya o makapanayam man lang.

Ang nakilala ko dahil sa aking propesyon ay ang kanyang kapatid na si Antonio C. Alvarez na naging board member ng Palawan, mayor ng San Vicente at ngayon ay kongresista na ng 1st Palawan District sa House of Representatives.

Totoo nga ang kasabihan na hangga’t hindi mo nakakausap ang isang tao, hindi mo makikilala kung sino siya talaga. Dahil diyan, wala talagang sino man sa atin ang dapat mag-husga.

Noong Sabado, ika-10 ng Enero, ngayong taon, nagkaroon ako ng pagkakataon na makapanayam si Jose Pepito, o Don Pepito, o JCA sa isang hotel dito sa Puerto Princesa. Naganap ito sa pamamagitan ng aking pangungulit sa isang kaibigan na malapit sa kanya. Pinilit ko na makapanayam si JCA hindi lamang sa personal ko siyang gustong makilala kung hindi dahil ako talaga ay masugid na taga-hanga ng mga negosyanteng ang istorya ay rags-to-riches o karukhaan hanggang kayamanan o iyong naghirap ng sobra bago naging maunlad ang pamumuhay. Marami ka kasing aral na matututunan sa kanila, lalo na kung tinatahak nila ang landas ng pagbabahagi ng kanilang kaunlaran sa mga mamamayan.

Bukod dyan, marami din ang nagtatanong sa amin sa Palawan Times kung siya ba ay tatakbo bilang gobernador ng lalawigan. Ayon sa kanya, ang kanyang layunin ngayong taon ay ang magbahagi sa mga mamamayan ng Palawan na kanyang minamahal na nagbigay sa kanya ng dahilan kung bakit siya ay umunlad sa kanyang buhay at sa kanyang mga negosyo. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng pagtulong sa pagpapa-unlad ng edukasyon at pagsasagawa ng medical mission o malawak na pag-gagamutan sa mga Palawenyong dahil sa kahirapan ay napapabayaan ang kalusugan.

May sarili na akong pag-husga dahil sa pagkakataong naibigay sa akin, at hindi ako magsisinungaling, ako ay napahanga. Ngunit hindi ko naman sakop ang isipan ng mga mambabasa kaya kasunod ay ang aking panayam sa kanya.

Ang panayam ay nag-umpisa sa pamamagitan ng kanyang pagku-kuwento hinggil sa kanyang pina-planong medical-surgical mission sa Southern Palawan sa bayan ng Brooke’s Point sa darating na ika-27 hanggang ika-29 ng Enero. Ang misyon ay para sa mga residente ng walong munisipyo doon, at nakatuon sa pag-opera ng may mga cleft lip o sungi.

Nabanggit niya na ang kanyang JCA Foundation ay makakasama sa misyon ang Maharlika Charity Foundation, Inc. ng Davao City. Ang panayam ay sa English, ngunit sadyang isinalin sa wikang mas marami ang makauunawa sa lalawigan.

Palawan Times (PT): May medical mission daw po kayo at kasama ninyo dito iyong Maharlika Charity Foundation?

Jose Pepito C. Alvarez (JCA): Oo. Yong Maharlika sumama sila sa aming operation sa Bukidnon. Sumama sila noong last July 1-3 (2008). Tatlong araw din iyon. Doon hindi lang iyong sungi, kundi pati goiter at saka iba pa. Mga 1,000 katao ang natulungan doon. Iba iyon kasi ipinagamit sa amin dalawang ospital doon ng probinsya ng Bukidnon.

PT: Ngayon po ay matunog na matunog ang pangalan ninyo dito sa Puerto Princesa at sa Palawan. Ang unang pagkakataon na kayo ay narinig ay noong may people’s congress ang Malampaya Peoples’ Watch.

JCA: Wala akong kaugnayan sa Malampaya Peoples’ Watch. Sinasabi lang iyan ng ibang mga tao. Pumunta ako doon at nakinig lang sa kanilang mga sasabihin tungkol sa Malampaya.

PT: Ngayon daw po ay mas madalas kayong makikita dito sa Palawan?

JCA: Palagi naman akong nandito talaga sa Palawan. Ang lagi kong pinupuntahan ay ito at ang Cagayan de Oro. Diyan ako lagi sa San Vicente kasi diyan ako nagpapahinga at nag-re-relax. Masaya ako kapag nasa Palawan ako dahil maganda dito sa atin, eh. Kasi pag-pumunta ako dito, tumutuloy ako ng San Vicente at doon nagpapahinga talaga ako.

PT: Bukod sa madalas na kayong nakikita ng mga mamamayan ng Palawan, kayo rin daw po ay dadalhin dito ang JCA Foundation?

JCA: Mayroon na niyan matagal na. Gumagawa din kami ng medical mission kasi sa Mindanao noon pa. Itong Maharlika Foundation lumapit sa akin at nakiusap. So sabi ko, sige bibigyan ko pa kayo ng isang operating van o mobile operating theater na ang halaga ay P7.5 milyon at dalawa ang operating table at air conditioned iyon. Pero sabi ko, pagpunta ko sa Palawan ay tulungan naman niyo ako dahil marami din kakong nangangailangan doon at may problema doon sa kalusugan nila. Ito na iyong resulta na ng kasunduan namin. Ang Bukidnon kasi talaga ay Cagayan de Oro City. Nasa pagitan ang house ko ng dalawa. Naka-overlook ako sa city.

PT: Aktibo po pala talaga ang JCA Foundation?

JCA: Hanggang ngayon nagpapagawa kami ng eskwelahan. Oo, aktibo talaga. Ako ngayon ay 64 years old na, mga two years ago ay nag-umpisa na kaming magpagawa ng mga eskwelahan. Mostly iyong mga offered courses iyong mga mabilis lang at para ito sa mga indigent. Doon sa isang eskwelahan, we’re offering Hotel, Restaurant and Tours Management. Dati di ba HRM lang? Dinagdagan naming ng tours management.

img_0750

Si Pepito at Si Edward habang masayang nagkukuwentuhan sa Baywalk noong ika-31 ng Disyembre, sa New Year Countdown sa Puerto Princesa.

PT: Ano ang inspirasyon ng JCA Foundation sa lahat ng mga tulong na ginagawa nito?

JCA: Eh, sa mahabang panahon nag-trabaho ako ng nag-trabaho. Kumita ako ng kaunting pera, di ngayon gusto ko naman ay tumulong sa mga mamamayan natin dito sa Palawan. Magbigay ng tulong. Tingin ko naman puwede naman iyon, hindi ba?

PT: Opo naman. Ano po ba ang pagtutuunan ng pansin ng JCA Foundation sa Palawan?

JCA: Sa Norte sa bayan ng Roxas, ang pangarap ko para sa mga mahihirap na pamilya dyan at para sa kanilang mga anak ay ang pagpapagawa ng eskwelahan. Itatayo ko dyan iyong Asian Business Cooperative Academy o ABCA. Maraming kurso na i-o-offer pero short courses ito na makakatulong sa mga kabataan ng Palawan ng malaki. Maraming mga kabataan sa Palawan ang may potensyal, wala lang talagang pera ang kanilang mga magulang para pag-aralin sila. Sa ABCA, baka matulungan sila.

PT: Sa paanong paraan?

JCA: Tulad na lang sa San Vicente. Dahil sa unti-unti ng nakikilala sa turismo, kailangan ng napakaraming tourism worker doon. Malapit ng matapos iyong airport kaya naisip ko na sa pamamagitan nito, matulungan ko din ang San Vicente at iba pang munisipyo sa norte. Para sa bawat turista na pumupunta doon ay kailangan mo ng pitong tourism worker.

PT: Iyong eskwelahan para sa mga taga-norte lang… libre… tatanggap kayo ng iskolar?

JCA: Hindi lang taga-norte, pati mga taga-south ay puwedeng mag-aral doon. Isang daang porsyentong libre, walang tuition fee. Ang tanging responsibilidad lang ng mga magulang ay ipadala ang kanilang mga anak para mag-aral. May mga dormitory naman ang eskwelahan.

PT: Bakit po edukasyon?

JCA: Pumunta ka sa mga island barangays, eh kawawa naman talaga ang mga kabataan na hindi talaga maka-punta sa city para mag-aral. Tuition fee na lang, sobrang mahal na. Naisip ko… itong mga ito… eh… pag time of reckoning na, maski hindi na ako ipagdasal nila… maalala lang nila ako ay masaya na ako. Ayos na. Iyong kawanggawa, pagtulong sa kapwa, iyan lang muna ang pagtutuunan ko ng pansin ngayon. Pangalawang medical mission ko na ito. Pangatlo iyong sa Samar, Leyte naman. Mag-organize din ako doon. Maharlika din ang partner ko doon.

PT: Dito sa Palawan, anong potensyal niya na nakikita niyo bukod sa Malampaya?

JCA: Alam mo… iyong lahat na mga big business na iyan dito… mag-uumpisa ako sa logging, ha. Kung saan iniwan ko ang aking logging para sa kalikasan. Kung nabasa niyo iyong libro na sinulat ni David Ponce de Leon (Caring for the Last Frontier: The SEP Story na isinulat ni Vice-Governor David A. Ponce de Leon) iniwanan ko ang logging para sa kalikasan kung titignan mo ang area na kino-control ko, mula sa underground river hanggang El Nido, kung saan iyong iniwanan namin, iyon ang walang kahoy. Kung saan kami naroroon, halimbawa San Vicente… iniimbitahan kita sa San Vicente ngayong taon, ipakikita ko sa inyo na baligtad, eh… kung saan may logger, tumutubo ang kahoy. Sa El Nido, wala.

PT: Paano nangyari iyon?

JCA: Walang bawas. Kasi sa selective logging, puputulin mo iyong malalaki para iyong mga maliliit na puno ay bigyan ng pagkakataon na lumaki. Noong huminto kami, nataniman na ng forestry department namin noon ang mga 12,000 ektarya ng bagong puno. Iyong mga maliit na puno sa kalsada sa logging, bago kami magbaba ng troso, tinatanggal ng forestry department para ilipat. Yong puno ng Eucalyptus, may dala ako noon galing sa Bislig at sa Moluccas. Nag-cross breed ako niyan at itinanim ko… kaya tignan mo ngayon ang daming puno ng Akasya kahit saan ka magpunta sa norte. Sa Sur wala kang makita… dito lang sa norte, hanggang sa El Nido. Sabi ko nga kay Vince Perez… (dating kalihim ng Department of Energy) Vince, tignan mo ang lugar mo sa El Nido sa Google, ang El Nido sa tabing dagat may puno pa, pero sa bundok wala na halos. Pero ang San Vicente, maraming puno. Sa madaling sabi, hindi kami ang nagkalbo doon at sa Palawan. Dati ng iniwan ko iyon, punong-puno ng kahoy iyon. Ikumpara sa San Vicente hanggang sa underground, grabe ang kahoy dyan, punong-puno. Halos virgin forest. Isasama ko kayo doon sa dating logging, tignan ninyo kung may makikita kayong isang kalsada na nakalutang.

PT: Okay lang po sa inyo na i-give up ang logging?

JCA: Hindi ko na kailangang sabihin. Andiyan sa libro na iyan na isinulat. Kasi kung galing sa akin baka sabihin nagpipitada ako ng sarili kong busina.

(Sa puntong ito ay binigyan niya ako at ang aking mga kasama, gaya ni Louie Larrosa ng DYER ng libro na isinulat ni Vice-Governor Ponce de Leon).

JCA: Binigyan ako ng pag-iwan sa logging ng pagkakataon. Mabuti talaga ang Diyos. Napaka-buti Niya. Kung nanatili lang ako sa San Vicente, siguro hanggang doon na lang ang aking kayamanan (napangiti sa pagsabi nito). Dahil sa ginawa ko, napunta ako sa ibang negosyo. Ako ngayon ay may negosyo ng mga bumibiyaheng sasakyan sa lupa, dagat at himpapawid; may negosyo din ako ng pataba (bahagi ng kanyang negosyo ang Philpos); may negosyo din ako sa tubig – lahat ng ito ay sobra pa ang ibinigay sa akin kaysa sa kinita ko sa logging. Kasi noon sa logging wala pa ako halos kinita bago ako umalis kasi inilalagay ko pa lamang ang planta. Bagong-bago ang mga planta noon. Nasaktan ang puso ko, pero iniwan ko dahil sa kalikasan. Kaya lang mabait ang Diyos, eh… kung ano ang nawala sa akin dito, ibinalik niya ng sobra pa sa iniwan ko. At ngayon, ang gusto ko lang ay magbigay pabalik sa Palawan. Wala ng iba.

PT: Ang environment ba ng Palawan puwedeng maging source ng development… kapag prinotektahan ito?

JCA: May pagkakataon na dapat gamitin mo rin. Kagaya ng tao, ang mga puno natutumba iyan, eh. Ilang panahon lang mamamatay iyan. Kung ang kukunin mo lang ay ang talagang matandang-matanda na at walang mangyayari sa kagubatan. Ang efficient forestry ay nag-aani lang ng dalawang porsyento ng timber stand (nakatayong puno). Ipinagkaloob ang kagubatan para pakinabangan din ng mamamayan. Henerasyon at henerasyon, hindi iyan mauubos. Alam mo ang underground river, sakop ng permiso ko iyan. Alam ni Mayor (Edward S.) Hagedorn iyan. Sabi ni dating Environment minister (Teodoro Q.) Peña, Pepito… putulin na natin iyang concession mo kasi gagawing heritage park ang underground. Tinignan ko at ang ganda pala talaga nito. Masayang-masaya ako diyan. Hindi ko ginalaw. Ang ganda ngayon… puro puno iyan hanggang sa likod papuntang San Vicente.

PT: Naniniwala kayo na dapat gamitin din ang mga puno sa paraang sustainable?

JCA: Sus, grabe. Halimbawa na lang, magkano ang bili ng Paleco sa isang poste ng kuryente? Alam niyo ba kung magkano? P25,000 iyan. Eh, dito kung puputulin lang iyong kailangang laki, hindi aabot ng singko mil ang gagastusin nila. Bakit natin i-su-subdize ang mga tao na nagtatanim nito sa labas ng Palawan samantalang meron naman dito? Bakit natin hinahayaan lang na sunugin dito… hindi logging, ha… sunugin dito ang mga puno ng mga kaingenero? Ang gubat natin dito sa Palawan ay dipterocarp. Kung tatanggalin mo ang mga malalaki na, bibigyan mo ang mga maliliit ng pagkakataong lumaki. Hindi mo kailangang mag-tanim ng panibago. Ang tataniman mo lang, iyong lugar na kinakalbo mo gaya ng kalsada at mga open field. Maganda ang ginagawa ko diyan sa San Vicente kasi iniwanan ko ng maayos.

PT: Paano niyo po tinitignan at sinusuri ang Palawan ngayon?

JCA: Ang Palawan ay isang paraiso na ang ganda ay kapareho ng mga lugar sa South Pacific, gaya ng Honolulu, Maui, Oahu at iba pa. Ang Honolulu halos kada oras may lumalapag na turista. Yon na lang ang gayahin natin dito sa Palawan. Halos lahat kasi ng negosyo dito sa Palawan hindi sustainable, eh. Tulad na lang pagmimina. Dapat sa bawat piso na kinikita nila, dapat may counterpart rehabilitation fund. Kung hindi, iiwanan iyan. Eh, ngayon bumaba ang nickel, bakit pumayag na buksan ang maliliit na mining. Ngayon nakatiwangwang iyong lupa kasi iyong mga equipment nila ibinenta nila. Tamang-tama ang sinabi ni Mayor Hagedorn, eh.

PT: Ano pa po? What about other resources, kahit people resource po?

JCA: Kulang na kulang sa tao ang Palawan, lalo na kapag maging tourism enclave ito. Alam mo sa gitna ka ng Puerto, walang white sand beach. Pero pumunta ka one hour away, ang daming magagandang beach. Sa Coron ang ganda ng corals diyan. Sa El Nido, magaganda ang mga isla. Dahil sa ganda ng Puerto Princesa at Palawan, ano ang mga dapat mong ilagay diyan para balik-balikan ng turista? Ano ang gagawin mo para ang turista mo hindi magkasakit ng dysentery, may aircon, may peace and order at security, may mga locally-produced na kakainin gaya ng prutas. Itong mga ito lang ang masiguro mo, may negosyong pang-turismo ka ng maunlad sa pang-mahabang panahon para sa Puerto Princesa at Palawan. Sa south, naman proyektong pang-turismo para sa mga Muslim. Kung naka-punta kayo sa isla ng Langkawi sa Malaysia, may airport siya, may kuryente – all year round may turismo siya. Lagi siyang may bisita. Mas lalo dito sa atin kung magagawa natin ang ganoon. Mas maganda dito. Kung ang turista na pumasyal dito nagka-dysentery, tinitiyak ko sa iyo, hindi na iyan babalik. Hindi na babalik. Pumunta dito para mag-bakasyon, tapos magkaka-dysentery. Kuryente – na lang mismo. Yong kuryente natin… tayo dito located na maganda para sa wind turbine at solar. Tama ang Kilusan Love Malampaya, dapat ang kita sa Malampaya, ilagay sa pagpapa-unlad ng turismo. Present dito ang lahat ng element – solar, wind at hydro… para sa alternative sources of energy. Hindi nalalaman ng ibang mga kasama natin na during the Kyoto Protocol, pumirma ang 81 countries. Ang sabi ang mga kompanya at korporasyon na carbon-emitting, gaya ng Japan, dapat magkaroon ng CSR (corporate social responsibility.) May mandato sila na maging carbon neutral. Maglagay sila ng proyekto na popondohan nila na may CER (carbon emission reduction). Anong mga klase ng proyekto yan… tulad ng kuryente… pero alternative sources of energy… hydro, wind at solar. Nagpunta na dito ang kaibigan ko at handa silang gumawa ng proyekto.

PT: Ano pa po ang ibang suhestyon niyo?

JCA: Ang Palawan ay may 800,000 na residente papunta sa isang milyon. Pero sinasabi ko sa inyo, ito ay puwedeng tirahan ng tatlong milyon. Paano? Bakit ako nag-a-adbokasya ng mataas na populasyon? Ang tatlong milyon sa 560 kilometrong distansya… yong mainland… hindi mo mapupuna iyon. Pero ilagay mo ang 460,000 na turista sa apat na kilometrong beach sa Boracay, pag-naligo ka doon… ang sasabihin mo ay excuse me…excuse me… tama? Ang sinasabi ko, tatlong milyon na residente, hindi turista. Ang gusto lang natin dito sa Palawan ay isang milyon na turista. Isang milyong turista, o 100,00 turista sa isang buwan lang na nangangahulugan ng dating ng 3,000 turista sa bawat araw. O, ilang tao ang kailangan mo para i-service ang 3,000 turista? I-multiply mo ng pito… hindi ba 21,000? Eh, ang lawak ng Palawan. Kung marami kang airports… biruin mo yan. Alam mo ba kung magkanong pera ang kikitain ng Palawan? I-multiply mo ang P750 na lang kada ulo sa isang milyon na turista, alam mo ba kung magkano iyan – hindi ba P750 milyon. Ang laking pera niyan. Ang farming, kalimutan mo na iyan. Suportahan na lang kung ano pa ang lugar dito na puwede ang farming. Pero i-concentrate na ang Palawan sa ibang proyekto. Palm oil, suportahan mo na iyan kasi pinapunta mo na ang mga Malaysians. Ayusin mo lang ang irigasyon at pataba, bodega at post-harvest facilities. Pag sinabi ko na sustainable, kayang-kayang gawin iyan sa loob ng sampung taon mula sa pera na galing sa Malampaya. Naku!

PT: Marami…

JCA: Sa dalawa’t kalahating bilyon na lang kada taon, sampung taon, ilan iyon… P25 bilyon di ba? I-multiply mo sa 20% savings… Ano ang ibig kung sabihin nito? Ito iyong naitatabi mo nap era pag inayos mo ang gastos. Ipahawak mo ang management sa Provincial Enterprise Corporation, kikita iyon. Lagyan mo na lang 20% at multiply ng P25 bilyon, magkano over 10 years. Limang bilyon. Ipa-manage mo ang pera kay Vince Perez at bibigyan ka niya ng sampung porsyentong balik kita. Alam mo kung magkano iyon? Limang daang milyon at pag ganyan, walang bata dito sa Palawan ang hindi makakapag-aral. Lahat makakapag-aral. Sa Amerika ganyan ang plano ni Obama – “no child left behind.”

PT: May kinalaman kayo sa Malampaya People’s Watch?

JCA: Wala akong kinalaman doon, inimbitahan lang ako. Hindi ko alam iyan. Kung sinasabi nila na gagamitin ko iyan sa pagka-governor, walang katotohanan iyan. Puwede ko sabihin categorically na hindi ako tatakbo. Gaya ng sinabi ko kay Louie (Larrosa), kung uugain ang puno, magbabagsak ng bunga iyon. Pero kung hindi talaga makikining ang mga namumuno doon sa nagpapatulong sa akin, at iyong mga nagpapatulong sa akin ay mag-request sa akin, IISIPIN KO PA… iyan. Ngayon ang gusto ko lang gawin muna ay magkawanggawa.

About these ads