Ni Aries A. Abuque

MAY ILAN PA diumanong sinumpaang salaysay ang nakatakdang lumitaw upang patunayan na may anomalya sa pagpapatupad ng 2nd Palawan Engineering District ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga proyektong pinondohan ng tanggapan ni 2nd Palawan District House Rep. Abraham Kahlil B. Mitra mula sa bahagi nito sa P2.7 bilyong kita ng Malampaya Natural Gas Project (MNGP).

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, ang mga sinumpaang salaysay nina Engr. Antonio D. Escala, empleyado ng pangalawang distrito ng DPWH sa Narra; Rene Y. Godoy, ang punong barangay ng Sta. Monica at ni Ernesto V. Villaos na isang kontraktor, ay tatlo lamang sa ilan pang mga personalidad na nakahandang magpatunay na mayroon diumanong anomalya sa mga proyekto sa southern Palawan.

Isa pa diumanong kilalang kontraktor ang kailan lamang ay pumirma rin ng sinumpaang salaysay nito na nagpapahayag din ng sinasabing anomalya sa mga proyektong eskwelahan, tulay at kalsada sa pangalawang distrito.

Tumanggi ang source na sabihin kung sino ito at kung sinu-sino pa ang ibang pumirma rin ng kanilang affidavits. Maging ang pangalan ng kontraktor o ng kompanyang pag-aari nito ay tumaggi siyang ibigay muna.

Imbestigasyon ng Prov’l Board

Bunga ng paglabas ng mga sinumpaang salaysay, ipatatawag ng Sangguniang Panlalawigan ang mga opisyales ng 2nd Palawan Engineering District ng DPWH upang malaman ang katotohanan at iba pang detalye ng isyu.

Ayon kay Vice Governor David A. Ponce de Leon, kapani-paniwala ang nilalaman ng mga kopya ng sinumpaang salaysay na kanilang natanggap din at ito ang gustong malaman ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Iimbitahan nila sina Godoy, Escala at Villaos, kasama na ang nabanggit na si Engr. Mario Soriano, upang magbigay linaw sa balita.

Sabi ni Ponce de Leon, dapat mabigyan ng kasagutan ang mga katanungan na bunga ng paglabas ng mga sinumpaang salaysay, lalo na sa panig ng DPWH na siyang nagpapatupad ng mga proyekto na pinondohan sa ilalim ng bahagi ni Mitra mula sa Malampaya.

Paliwanag ng mga Kontraktor

Sa bayan ng Narra, kung saan ang 2nd Palawan Engineering District Office ng DPWH ay matatagpuan, ayon pa rin sa isang mapagkakatiwalaang source, usap-usapan diumano ang pagkakadawit ni Soriano bilang chairman ng Bids and Awards Committee (BAC), samantalang ito ay taga-pangasiwa din ng ilang mga proyekto.

Ito diumano ay maliwanag na ipinagbabawal ng batas dahil sa conflict of interest.

Isa pa sa pinag-uusapan doon ay ang pag-iisyu diumano ng may-ari ng R.C. Tagala Construction at E.C. Timbancaya Enterprises ng mga sinumpaan din na salaysay upang palakasin pa ang naunang tatlo.

Samantala, nagpaliwanag naman ang iba pang kontraktor na nadadawit din sa reklamo ng anomalya sa DPWH 2nd Engineering District. Ang BM Carlos Construction at A.R. Lustre Construction na may mga proyekto sa Panalingaan, Rizal.

Sinabi ni Engr. Bonifacio M. Carlos ng BM Carlos Construction na walang anomalya sa mga proyekto na kanilang ginagawa para sa DPWH. Sa katunayan ay mahigpit nga raw ang ahensya ng pamahalaan sa pagbabantay ng mga ginagawa nila upang masiguro ang kalidad sa ginagamit nilang mga materyales sa kalsada.

Kung hindi nila natapos sa takdang panahon, ito ay dahil diumano sa pagsama ng panahon, hindi pagsang-ayon ng mga may-ari ng lupa sa road right of way na nagiging dahilan ng pagkaantala.

“Mahirap kumbinsihin ang mga may-ari ng lupa dahil hindi nila pinagbibigyan ang DPWH at kami sa road right of way. Minsan nga ay muntik na kaming magbuwis ng buhay dahil sa galit ang mga residente na masakop ang kanilang lupain sa ginagawa naming kalsada,”pahayag ni Carlos.

Hinggil sa Linao Bridge na nag-uugnay sa Panalingaan, Rizal at Culandanum, Bataraza, nagpaliwanag si Ferdinand Galang ng A.R. Lustre Construction na hindi nila na-kumpleto sa tamang panahon ang tulay dahil sa hindi pakikiayon ng panahon. Inaanod diumano ng tubig ulan ang graba na itinatambak nila sa tulay.

Kung ito ay iniulat na “completed,” marahil ay ito raw ay projection lamang ng DPWH. “Hindi namin masisisi ang DPWH kung completed report nila dahil sa nakita naman nilang mabilis ang pag-tra-trabaho naming sa tulay. Madalas nga lang kaming sinasabayan ng pag-ulan. Sa ngayon ay 95% na tapos na ang Linao Bridge. Lilinawin ko rin na mahigpit ang DPWH kapag pag-uusapan ang bayaran. Kapag nakita nilang di pa tapos ay hindi kami babayaran ng buo. Sa katunayan ay 67% pa lang ang naibibigay sa amin ng DPWH. Hindi rin ako naniniwala na may anomalya sa mga proyekto dahil mahigpit sa amin ang ahensya,” pahayag ni Galang.

Samantala, tumanggi na rin na magsalita ang isa sa mga lumagda ng affidavit na si Escala. Ipapaubaya niya na lamang umano ang usapin sa proper authority.

Panig ng DPWH

Sa panig naman ng DPWH, ipinagtanggol nina District Engr. Rody Angulo at ni Soriano ang kanilang tanggapan sa umano’y pagsasangkot sa kanilang ahensya sa mga paratang.

“Pawang mga alegasyon lamang ang mga ipinupukol sa aming tanggapan na hindi dapat na paniniwalaan. Handa rin kami sa ano mang imbestigasyon kung kinakailangan at kung ito rin ang solusyon para matapos na ang pag-sangkot sa amin. Ang affidavit ni Escala ay ipinasa na rin namin sa aming Regional Office at sila na ang bahalang umaksyon sa mga alegasyon ni Escala,” ayon kay Angulo.

Nilinaw ni Soriano na bagama’t nagsumite na sila ng kumpletong report sa kanilang Central Office, hindi ibig sabihin noon ay hindi na nila tinututukan ang mga proyekto. Sa katunayan ay madalas ang kanilang ocular inspection sa mga proyekto at meron pang 1 year defects contestability period bago nila tuluyang tanggapin ang mga proyekto.

“Hindi pa namin nababayaran ng buo ang mga contractor hangga’t hindi nila natatapos ang mga proyekto. Ang totoo nga niyan sa 21 na mga proyekto ay apat pa lang ang nababayaran namin ng buo,” pahayag ni Soriano.