BILANG BAHAGI ng pagpapakilala ng JCA Foundation na may layuning makatulong sa kapakanang pang-kalusugan ng mamamayan sa lalawigan ng Palawan, umikot sa mga munisipyo ng Rizal at Quezon kamakailan lamang upang makipag-ugnayan doon.

Alas sais pa lamang ng umaga noong ika-27 ng Hulyo ay nasa palengke na ng bayan ng Quezon ang chairman ng JCA Foundation na si Jose Pepito C. Alvarez upang makipag-ugnayan sa mga nagtitinda at namimili sa palengke.

Maging sa mga tricycle driver sa paradahan ay tinungo ni Alvarez upang makipag-kamay at magpakilala sa kanila.

Sa sorpresa ng karamihan, nahiya ang mga ito na abutin ang kanyang kamay dahil sa pangambang malansang isda ang kanilang hinawakan. Pero balewala ito kay Alvarez, inabot niya ang kamay ng mga ito bilang tanda ng sinserong pakikipag-kaibigan.

Mula sa palengke ay pinuntahan naman ni Alvarez ang pier kung saan maaga pa ay nagbababa na ang mga mangingisda ng kanilang huli mula sa laot. Masayang nakipag-kuwentuhan sa kanila ang chairman ng JCA Foundation at ikinuwento sa ilan ang kanya ring mga nalalaman sa pagnenegosyo.

Noong una ay hindi makapaniwala ang mga tao dahil sa naririnig lamang nila ang pangalan nito at ang mga balita na ito ay nagkakaloob ng mga libreng medical mission.

Hindi inakala ng mga ito na personal nilang makadadaupang-palad ang isa sa mga matagumpay na negosyante sa bansa.

Nakipag-palitan ng kuro-kuro ang mga ito sa kanya at naglahad ng mga suhestyon na sa tingin nila ay makatutulong hindi lamang sa mga mangingisdang nasa Quezon kung hindi sa buong lalawigan ng Palawan.

Nagulat din ang mga empleyado ng munisipyo ng Quezon ng dumalo si Alvarez sa kanilang regular na flag ceremony at ipakilala ni Mayor Ronilo Caputillo.

Masigabong palakpakan ang ibinigay sa kanya ng mga empleyado ng Quezon municipality matapos ang kanyang mensahe sa kanila na naglalaman ng kanyang mga pangarap para sa Palawan, gaya ng pagkakaroon ng malulusog na mamamayan, mga kabataang nag-aaral at maunlad na ekonomiya para sa pag-angat ng uri ng pamumuhay ng bawat isa.

Matapos ito ay tumungo na ang grupo ni Alvarez sa Quezon covered gym kung saan isinagawa ang convergence ni Caputillo. Bago pa man ang kanyang pananalita dito, muling nakipag-kuwentuhan ng personal si Alvarez sa mga residente ng Quezon.

Dito ay naging madamdamin ang kanyang mensahe sa harap ng may 5,000 residente kung saan naman niya naikuwento ang tungkol diumano sa anomalya sa mga transaksyon sa pamahalaang panlalawigan. Ipinakita niya sa mga ito ang kopya ng dokumento na naglalaman ng ulat hinggil dito.

Ito aniya ang dahilan kung bakit maraming serbisyo para sa mamamayan ang hindi makarating.

Sa pamamagitan ng kanilang malakas na palakpakan, tanggap ng mga mamamayan ng Quezon na si Alvarez ay may kakayahan at kwalipikadong mamuno sa 2010. (PR)